answersLogoWhite

0


Best Answer

Kaligirang Pangkasaysayan ng Tula

Sinaunang Panahon

Ayon sa pananaliksik Nina Tumangan, Alcomtiser ang matandang panulaan ng Pilipinas ay masasabing karugtong ng mga unang kultura ng Timog Silangang Asya.

Karaniwan sa mga kantahin at berso ay tungkol sa mga gawaing makaDiyos, tahanan, bukid, dagat, kaligayahan, kasaganaan at iba pa.

Masasabing likas na mga makata ang ating mga ninuno. May mga tula at awit sila sa lahat ng okasyon ng kanilang buhay. Patula nila kung bigkasin ang mga bugtong, ang mga salawikain at maging mga kasabihan.

Ang mga bugtong, ayon kay Lope K. Santos ay siyang kauna-unahang katutubong tula. Ito'y ang paghahanay ng mga piling salita na nagsasaad ng talinghaga at masasagot sa pamamagitan ng panghuhula.

Ang salawikain at mga kawikaan ay mga patula rin. Naglalaman ito ng mga paniniwalang panlipunan, pilosopiya at mga minanang kapaniwalaan.

Panahon ng Kastila

Nang matuto ang mga misyonerong Kastila ng wikang Tagalog, una nilang pinagtuunan ng pansin ang pagsusuri ng mga panitikang nakasulat ng ating mga ninuno. Pinili nila ang mga panitikang sa kanilang palagay ay makatutulong sa kanila sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Nakita nilang ang mga katutubo ay mahilig tumula at bumigkas ng mga tugma. Nahilig din silang umawit kaya ang lahat halos ng mga pang-araw-araw nilang mga gawain ay naisasagawa nila nang may angkop na awitin. Dahil dito, ang mga tula ang unang kinakitaan ng pagbabagong-bihis. Ang mga sinulat na tula ng mga paring Kastilang misyonero ay maiikli sa simula ngunit habang tumatagal ang mga ito ay nadagdagan ng mga taludtod. Nagsimula sa dalawang taludtod hanggang sa umabot nang lilimahing taludtod. Nanatili ang sukat at tugma sa kanilang mga tula kaya Hindi nawala ang indayog sa panulaan nang panahong ito. Ang dating mga tulang katutubo na nakasulat sa matandang baybaying Alibata ay sinulat ng mga misyonero sa alpabetong Romano. Kasabay ng pagsulat sa alpabetong Romano ng mga tulang katutubo ay pumasok na rin sa panulaang Tagalog ang ilang mga salitang Kastila. Nawala ang talinghaga sa panulaan dahil sa layuning huwag maipagkamali ng mga mambabasa ang mensaheng panrelihiyon at pangkagandahang-asal.

ANG MGA MAKATA NG PANAHON

1. Padre Francisco Blancas de San Jose. Kinilalang ama ng tipograpiya sa Pilipinas sapagkat aklat niya ang unang nalimbag sa paraang tipograpiko (isang uri ng paglilimbag).

2. Alonzo de Santa Ana. Siya ang may-akda ng aklat ng Explicacion de la Doctrina Cristiana en la Lengua Tagala na nagtataglay ng mga tugmang nagpapaliwanag sa mga aral ng Diyos na nakapaloob sa aklat na Doctrina Cristiana. Ang kanyang mga tula aya ganap na umiwas sa talinghaga upang maihatid nang tiyak ang diwang nais iparating ng tula. Kinilala niya ang pagiging maanyo at masining ng tula kaya siya ay kumilala sa sukat at tugma ng panulaang Tagalog.

3. Pedro de Herrrera. Isa siyang makatang nakilala dahil sa kanyang mga dalit.

4. Fernando Bagongbanta. Ang mga tula ni Bagongbanta ay napalimbag at natipon sa Memorial de la Vida Cristiana kasama ng mga tula ni Blancas de San Jose. Isa si Bagongbanta sa mga tinawag na ladino noong panahong iyon.

5. Tomas Pinpin. Ama ng limbagan sa Pilipinas. Siya ay binabanggit pa rin bilang isa sa mga ladinong kasama Nina Blancas de San Jose at Bagongbanta. Ang Como con Dios ay isa sa mga tulang nasulat ni Pinpin.

6. Pedro Suarez Osorio. Siya ang ipinalalagay na unang makatang Tagalog na napatala sa kasaysayan ng panitikang Tagalog. Nakilala rin siya sa pagsulat ng mga dalit.

7. Felipe de Jesus. Isang makatang Tagalog mula sa San Miguel, Bulacan. Pinahahalagahan sa kasaysayan ng panitikan dahil sa kanyang "Dalit na Pamucao sa Tauong Babasa Nitong Libro" na ang tinutukoy ay ang Barlaan at Josaphat. Si Felipe de Jesus ang nagpakita ng muling pagbabalik g talinghaga sa panulaang Tagalog. Tula niya ang Ibong Camunti sa Pugad.

8. Francisco Bencuchillo. Ang may-akda ng Arte Poetico Tagalo na lumitaw noong ika-18 dantaon. Sa aklat na ito ay tinalakay ni Bencuchillo ang iba't ibang sukat at taludturan ng tulang Tagalog.

MGA AKDANG PATULA

1. Bugtong

2. Sabi o Kasabihan

3. Salawikain

4. Awiting Bayan o Kantahing Bayan

5. Pasyon

6. Awit at Korido

MGA TULANG PANDULAAN O PANTANGHALAN

1. Karagatan

2. Duplo

3. Dalit

4. Juego de Prenda

5. Panubong o Pamutong

Panahon ng Propaganda

Bunga ng pag-unlad ng produksyon sa pagsasaka at pagsulong ng pakikipagkalakalan sa ibang mga dayuhan, ang pagkaunlad ng kabuhayan ay nakabuo ng pangkat na mga Pilipinong nakilala sa tawag na "Ilustrado" at sa tawag na "Middle Class".

Sa pamamagitan nito, lumitaw ang henerasyon ng mga kabataang namulat ang mga kaisipan sa di pagkakapantay-pantay ng mga mananakop at sinasakupan. Sila ang mga Pilipinong nagising ang kamalayan sa pagiging api. Nang mga panahong iyon, tayo'y sunud-sunuran sa mga dayuhang panginoon, kahit na nakatataas ang kabuhayan ng ilan sa atin. Dahil sa mga pangyayaring ito, tinangka ng mga "ilustrado" na magpasok ng mga pagbabago. Ito'y Hindi sa pamamagitan ng armas kundi sa pakikipagtagisan ng katuwiran sa katuwiran sa pasulat na pamamaraan.

Isa ang tula sa naging kasangkapan sa pagpapahayag ng mga propagandista. Dito nailalahad nila ang kani-kanilang mga kuru-kuro o pala-palagay, damdamin at maging ang kanilang mga karanasan. Ang karaniwang tinutuligsa nila ay ang mga ginagawa ng mga prayle na sana'y yaong talagang masasabing kaugnay ng simbahan. Hindi lubhang nanuligsa sa mga taong pamahalaan dahil sa mga layunin lamang ng Propagandista ay pagbabago sa pamamalakad ng simbahan kaya't ang damdaming laban sa mga prayle ang nangibabaw dahil sila ang higit na may kapangyarihan kaysa mga taong pamahalaan.

Mga Manunulat at Kanilang akda

1. Dr. Jose Rizal - Ala Juventud Filipina ( Sa Kabataang Pilipino)

- Mi Ultimo Adios ( Ang Huli Kong Paalam)

2. Marcelo H. del Pilar - Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas

Panahon ng Himagsikan

Ang panahong ito'y nahahati sa dalawa - Pnahon laban sa Kastila at Panahon laban sa Amerikano. Bagama't maikli ang panahong nasasakop, maraming mga pangyayari ang naganap at naging makasaysayan sa bayan. Kabilang sa mga ito'y ang pagkakaroon ng pagpapalit ng pamamahala sa pamahalaan.

Bigo ang mga hangarin ng mga propagandista. Bingi ang pamahalaang Kastila sa mga kahilingan sapagkat noong mga panahong iyon ay abala sa pansariling suliranin ang Espanya. Dahil dito'y patuloy pa rin ang pang-aapi at pandudusta, pagsasamantala at paghihigpit ng pamahalaan at simbahan sa mga Pilipino.

Lumala ang ugnayang Kastila-Amerikano dahil sa mga tunay na pangyayaring naganap, ipinahayag ng mga Amerikano ang pormal na pakikidigma sa Espanya noong Abril 25, 1898. Inanyayahan ni Almirante Dewey ang mga Pilipino upang makipagtulungan sa mga Amerikano.

Mga manunulat at kanilang Akda

1. Andres Bonifacio - Katapusang Hibik ng Pilipinas

- Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

2. Emilio Jacinto - Sa Anak ng Bayan

3. Apolinario Mabini - El Verdadero Decalogo ( Ang Tunay na Sampung Utos )

4. Jose Velasquez Palma - Himno Nacional Filipino (Pambansang Awit ng Pilipinas)

Panahon ng Amerikano

Ang mga akdang pampanitikan na naisulat at nailimbag nang panahong ito ay binigyan ng layang magpahayag ng tunay na pangyayari hinggil sa iba't ibang paksa at nagkaroon sila ng pagkakataong makabasa ng iba't ibang uri ng aklat na gumising pang lalo sa nag-aalab na nilang Damdaming Makabayan.

Ano mang uri ng akda ang nailabas ng panahong iyon , ang damdaming makabayan ay di nawawala bagkus ay mahigpit na binigyan ng tuon. Kung minsan ito'y hinaing tungkol sa kaapihang dinanas ng Inang Bayan, o kaya'y pagpupuri sa mga katangian ng Inang Pilipinas o kaya nama'y pagpapahayag ng mga mithiin tungkol sa pagiging bansang Malaya ng Pilipinas. Masasabi kung ganoon na ang naging kalakaran sa panitikan sa panahong ito ay nasyonalismo, karanasan, at kalayaan sa pagpapahayag.

Sa panahon ng bagong mananakop, ang mga Pilipinong may likas na hilig sa pagtula ay lalo pang nahilig sa pagsusulat. At masasabing ito'y bunga rin ng pagkakaroon ng lingguhang babasahin na naging daan upang malathala ang kanilang mga akda. Humabi ng tula sa lahat halos ng larangan tulad ng liriko, pandulaan, pasalaysay at pangkalikasan.

MGA URI NG TULA

1. Tulang pangkalikasan

2. Tulang pandamdamin/Liriko

a. Soneto

b. Elehiya

3. Tulang Pasalaysay

4. Tulang Pandulaan

a. Balagtasan

b. Batutian

c. Pagpuputong

Panahon ng Hapones

Ang Pilipinas ay sinakop ng nga Hapones noong 1941 hanggang 1945. Nabalam ang umuunlad nang pantikang Pilipino sa dahilang ipinapinid ng mga Hapones ang mga pahayagan at dahil dito'y pansamantalng nahinto sa pagsulat ang mga manunulat lalo pa't ang lingguhang Liwayway ay nalagay sa mahigpit na pagmamatyag.

Dahil sa ipinagbawal ang mga pahayagan at magasing gaya ng Tribune at Free Press, ang mga manunulat sa Ingles ay nagsisulat sa Filipino. Marami ang nagsalin ng mga akda sa Ingles sa Filipino. Kapansin-pansin sa mga akda ang paksaing tulad ng pag-ibig sa bayan, kagandahan ng buhay sa lalawigan, relasyon ng mga magulang sa anak at ang pagmamahal sa kapwa. Sinasabing ang paksa ng iba't ibang sangay ng panitikan ay Pilipinong-Filipino sa diwa at sa buhay. Binigyang-diin ang katutubong kulay. May pumapaksa rin sa pamumuhay na dinaranas ng mga tao sa lungsod: ng kasalatan ng pagkain, damit, hanapbuhay, paglalakbay at pakikisama sa kapwa. Tumpak na tawaging panahon ng Pamumulaklak ng Panitikang Tagalog ang panahon ng Hapon.

Isang sangay ng panitikang Pilipino na naapektuhan ng kahirapan ng papel noong panahon ng Hapon ay ang tula. Dahil sa kakapusan ng papel, lumabas sa panahong ito ang napakaiksing tulang ito na tinatawag na "haikku" isang tulang binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong taludtod. Ang unang taludtod ay may limang pantig; ang ikalawang taludtod ay may pitong pantig, at ang ikatlong taludtod ay may limang pantig tulad ng unang taludtod.

Isa pang uri ng tulang lumabas noon ay ang "tanaga" na binubuo ng apat na taludtod na may pitong pantig ang bawat isang taludtod.

KATANGIAN NG TULA

1. Maikli

2. Namayani ang mga tulang may malayang taludturan; walang sukat at kadalasa'y walang tugma.

3. Marami ang gumagad sa haiku.

4. Nagtataglay ng talinghaga.

URI NG TULA

1. Karaniwang anyo

2. Malayang taludturan na ang pinakamarami ay haikku

3. Tanaga

Ang Panitikang Patula sa Panahon ng Liberasyon o Panahon ng Pagpapalaya

Kasabay ng pagtatamo natin ng pansamantalang kalayaan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang pagkadama ng mga makatang makapagpahayag nang Malaya sa pamamagitan ng tula. Pinaksa ng panulaan sa panahong ito ang pag-ibig at pagpuri sa bayang tinubuan, sa kalayaan at mga bayani ng lahi.

Ang isa sa mga makatang nakilala sa panahong ito ay si Jose Villa Panganiban. Ang kanyang tulang may pamagat na "Ang Bayan Ko'y Ito" ay binigkas niya sa radyo noong ipagdiwang ang unang taon ng ating pagsasarili. Ang mga makata na nakilala bago pa man magkadigma ay nagpatuloy pa rin sa kanilang pagsusulat ng mga tula na may iba't ibang uri at paksa. Hindi nawala ang mga tulang pasalaysay, tulang pandamdamin o liriko, tulang pangkalikasan, at mga tulang pandulaan. Nagkaroon ng dalawang pangkat ng mga makata - pangkat ng mga makaluma o konserbatibo, at pangkat ng mga makabago o kabataang makata. Ang pangkat ng mga makalumang makata ay pinangungunahan Nina Lope K. Santos, Ildefonso Santos, Rufino Alejandro, Teodoro Agoncillo, Teodoro Gener, Iñigo Ed Regalado, Pedro Gatmaitan, Jose Villa Panganiban at iba pa. Sa pangkat naman ng mga kabataan o makabagong manunulat ay napabilang sina Jose Corazon de Jesus, Cirio H. Panganiban, Florentino Collantes, Emilio Mar Antonio, Fernando Monleon, Aniceto F. Silvestre, Amado V. Hernandez, Alejandro G. Abadilla, Clodualdo del Mundo, at iba pa.

Si Aniceto F. Silvestre ay kinilalang pambansang makata nang maipanalo niya ang dalawa niyang tula na "Ako'y Lahing Kayumanggi" at "Mutya ng Silangan" sa patimpalak na idinaos ng Surian ng Wikang Pambansa noong 1946.

Kinilala namang makata ng makabagong panahon si Alejandro G. Abadilla. Sinasabing tinalikuran niya ang sukat at tugma ng matandang panulaan at pinalaganap niya ang malayang taludturan at ang diwang mapanghimagsik. Pinakamagandang tula niya ang "Ako Ang Daigdig" na naging dahilan upang tanghalin siyang Pangunahing Makata ng taong 1957.

Ang Panitikang Patula sa Panahon ng Aktibismo

Si Amado V. Hernandez ang maituturing na pangunahin sa mga makatang may kamalayang panlipunan. Ito raw ay sa dahilang si Ka Amado ay naging kalahok sa mga nagaganap sa kanyang kapaligiran. Dinakip siya at ibinilanggo sa isang seldang ang luwang ay ga-isang dipa lamang na sapat upang matanaw niya ang kapirasong langit. Sinulat niya ng kanyang tulang "Isang Dipang Langit" samantalang siya ay nasa loob ng bilangguan.

Mapapansin rin ang pagkapartikular ng mga tulang romantiko-rebolusyonaryo. Ang katangiang ito'y dulot ng pagpapairal sa isip sa pagbubuo ng tula, isang pamamaraang humahalungkat sa karanasang pinapaksa upang mabigyang-katibayan ang mensahe ng makata.

Tatlo ang katangian ng tula sa panahon ng aktibismo: nagsusuri sa kalagayan ng bayan, nagsisiwalat ng mga katiwalian sa tula, tahasang lumalabag sa kagandahang asal (panunungayaw at may karahasan sa pananalita).

Ang Panitikang Patula sa Panahon ng Batas Militar at Bagong Lipunan

Nanatili pa ring isang mabisang tagapagpahayag ng damdamin ang tula sa panahon ng Batas Militar at Bagong Lipunan bagama't ang mga tula sa panahong ito ay Hindi naging kasing-apoy at kasintalim ng mga tula sa panahon ng aktibismo.

Ang mga makata sa panahong ito ay pumaksa sa mga paksang gaya ng pag-ibig, buhay, kalikasan - mga paksang ligtas talakayin sapagkat noon ay naghigpit ang sensura. Hindi lahat ng sinusulat ay pinapayagang mailathala. Naging maingat ang mga makata. Nagsulat sila sa paraang may kalaliman ang paglalahad ng mga mensahe kung kaya't sila ay gumamit ng simbolismo. Iniwan nila sa mababasa ang pagpapakahulugan at pag-unawa.

Sa Liwayway at mga magasing pandalubhasaan nabasa ang mga tula sa panahong ito. Kung bagamat may sariling pamamaraan ang paghabi ng tula ang mga makata sa panahong ito, Hindi rin nawala ang mga tulang nagtataglay ng sukat at tugma.

Sa panahon ng Bagong Lipunan nagsimula ang mga patimpalak sa pagbigkas nang sabayan hanggang sa ito ay lumaganap at humantong sa kaantasang pambansa. Dahil sa sabayang bigkasan na nakaakit sa kawilihan ng mga nakikinig at manonood, ang lumang paraan ng pagbigkas ng tula ay unti-unting bumaba. Sa mga piyesang ginamit sa sabayang bigkasan ay nanguna ang "Pilipino: Isang Depinisyon" ni Ponciano B.P. Pineda.

Sa panahon ding ito nauso ang mga tugmang tulad ng mga sumusunod na siyang mga islogan na ginamit upang maktulong sa paghubog ng kaasalang Pilipino:

"Sa ikauunlad ng bayan

Disiplina ang kailangan"

"Ang pagsunod sa magulang

Tanda ng anak na magalang"

Ang mga kabataang manunulat na nagpakita ng kapusukan sa panunuligsa sa kabulukang nagaganap sa pamahalaan sa panahon ng aktibismo ay tumigil sa pagsusulat ng mga tulang mapanuligsa at nakiramdam na lamang sa mga nagaganap sa kanilang paligid, naghihintay sa mga pagbabagong maidudulot ng mga bagong proyektong inilulunsad ng pamahalaan.

Ang mga nagsisulat ng tula sa panahong ito ay nagkaroon ng isang layunin - ang maging bahagi ng isang katipunan ang kanilang mga sinulat o kaya ay maisali sa mga timpalak tulad ng Gantimpalang Palanca, Republic Cultural heritage Award, Patnubay ng Kalinangan Award at iba pa.

Ang Panitikang Patula sa Panahon ng Lakas ng Bayan Hanggang sa Kasalukuyan

Ang mga tulang nasulat pagkatapos ng naganap na Lakas ng Bayan o "People's Power sa Edsa ay nagpakita ng kalayaan sa pagpapahayag at maging sa paksa. Pinaksa ng mga tula sa panahong ito ang mga nagaganap sa kapaligiran at sariling mga damdamin ng mga makatang nagsisisulat ng tula. May mga tula ng pagpupuri at panunuligsa sa mga nanunungkulan sa pamahalaan at mga katiwaliang nagaganap sa lipunan. Sa madaling salita, patuloy ang kamalayang panlipunan ng mga makata sa panahong kasalukuyan. Nilayon ng mga tula sa kasalukuyang panahon ang maging kasangkapan sa minimithing pagbabago ng lipunang Pilipino.

Sa istilo ng pagsulat ng tula ay nanatili pa rin ang dalawang paraan - may nagsisulat ng mga tulang may sukat at tugma at may nagsisulat sa malayang taludturan. Pangunahing layunin ng tula sa panahong ito ay makapaghatid ng mahalagang mensahe sa mga mambabasa. Bibihira ang mga tula ng pag-ibig ngunit unti-unting nabubuhay na paksa sa panulaan ang tungkol sa kalikasan lalo pa't may mga kampanyang inilulunsad ang pamahalaan sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang pagtula sa ibabaw ng tanghalan ay bihira nang mangyari maliban na lamang kung ito ay hinihingi ng isang pangyayari sa isang palatuntunang idinaraos. Ang indayog ng tula sa panahon Nina Balagtas, Jose Corazon de Jesus, at Florentino Collantes ay wala na sa tanghalan.

Ang Balagtasan ay bibihira na ring marinig kung kaya't nakalulungkot na kapag tinanong ng guro ang mga mag-aaral kung nakarinig na sila o nakapanood na ng Balagtasan, ang marami sa kanila ay Hindi pa ang sagot.

Ang pagbigkas ng tula sa tanghalan ay pinalitan ng pag-awit. Ang awitin/awit ay isa ring akdang nasa anyong patula na nilapatan ng himig. Ito ay nagpapahayag ng damdamin at karanasan ng may-akda.

Sa kasalukuyan, ang mga awitin ay pumapaksa Hindi lamang sa pag-ibig, kundi sa lahat ng mga nangyayari, nakikita at nararanasan ng tao sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Katulad din ng mga karaniwang tula, ito ay maaaring pumupuri at nanunuligsa sa mga gawain at kaugalian ng tao. May mga awiting gumigising sa damdamin at nangangaral sa mga kabataan.

Ang isang uri ng awitin na palasak sa kasalukuyan ay ipinalalagay na epektibo sa paghahatid ng mensahe sa mga mamamayan ay ang "rap" Nina Francis Magalona at Andrew E.

May mga awitin din na naririnig at nakikita sa telebisyon na habang inaawit ay ipinakikita naman ang mga tagpong may kaugnayan sa isinasaad ng awit. Ang Pambansang Awit ng Pilipinas ay inaawit sa telebisyon sa ganitong paraan. Ang "Magkaisa", isang awiting inawit sa Edsa noong naganap ang "People's Power."

User Avatar

Wiki User

βˆ™ 13y ago
This answer is:
User Avatar
More answers
User Avatar

AnswerBot

βˆ™ 7mo ago

Ang kaligirang pangkasaysayan sa tula ay tumutukoy sa kasaysayan at kultura ng isang lugar o panahon na ginagamit bilang paksa sa tula. Ito ay mahalaga upang magbigay ng konteksto at pag-unawa sa mga mambabasa hinggil sa pinagmulan at kahalagahan ng tula. Sa pamamagitan ng paggamit ng kasaysayan, mas napapalalim ang damdamin at interpretasyon ng tula.

This answer is:
User Avatar

Add your answer:

Earn +20 pts
Q: Kaligirang pangkasaysayan ng tula
Write your answer...
Submit
Still have questions?
magnify glass
imp
Continue Learning about Linguistics

Kaligirang pangkasaysayan ng epiko?

Ang kaligirang pangkasaysayan ng epiko ay tumutukoy sa kasaysayan at konteksto ng paglikha ng epiko. Ito ay sumasaklaw sa mga pangyayari, kultura, at tradisyon na naging inspirasyon sa pagbuo ng epiko, kasama na rin ang mga pangyayari sa lipunang kinabibilangan ng awtor ng epiko. Ang kaligirang ito ay mahalaga upang maunawaan ng mambabasa ang kahalagahan at impluwensiya ng epiko sa kasaysayan at kultura.


Halimbawa ng lathalaing pangkasaysayan?

Ang mga halimbawa ng lathalaing pangkasaysayan ay maaaring mga artikulo sa mga pahayagan, aklat, o journal na sumasalaysay ng mga pangyayari, kaganapan, at pagbabago sa kasaysayan ng isang bansa, kultura, o lipunan. Kabilang dito ang mga biograpiya ng mga kilalang tao, mga pananaliksik sa mga makasaysayang lugar, at mga pagsusuri sa kasaysayan ng isang partikular na panahon.


Layunin ng tula?

ang layunin ng tula para maintindihan natin at magkaroon ng karagdagang impormasyon tungkol sa malalalim na salita nakapaloob dito ..,,.,.,., :) :) :)


Tula sa wika at kalikasan?

Ang tula sa wika at kalikasan ay maaring maglaman ng mga talinghaga at imahinasyon patungkol sa mga katangiang natural ng kalikasan. Ito ay isang uri ng sining na naglalayong magbigay diin sa kahalagahan ng wika at kalikasan sa ating buhay at lipunan. Ang paggamit ng tula para sa pangangalaga at pagmamahal sa wika at kalikasan ay isa sa mga paraan upang muling ipaalam ang importansya ng mga ito sa ating eksistensya.


Magbigay ng limang halimbawa na payak?

Ang paglilinis ng bahay Paglalakad sa park Pagbasa ng libro Pagsusulat ng tula Pagluto ng simpleng ulam